Rosmar Tan, nasarapan kaya sa pares ni Diwata?

Sa wakas ay natikman na ni Rosmar Tan ang pares overload ni Diwata sa Pasay City at ayon sa kaniya ay hindi masarap dahil sobrang sarap.

Sa video na ibinahagi ni Alvin TV, nakuhang magbiro ni Rosmar Tan na hindi masarap ang pares overload ni Diwata.

“Hindi masarap… Sobrang sarap!” biro pa ni Rosmar.

Ani pa ni Rosmar na masarap din ang bagong nadagdag sa menu ni Diwata, ito ang siken joy at ang pork barbecue.

Sa ibinahaging post ni Rosmar sa social media, sinadya niya umano na wag ianunsyo ang kaniyang pagbalik sa pwesto ni Diwata dahil sa sobrang dami ng tao.

“Finally natikman ko na din ang napakasarap na PARES, SIKEN JOY, BBQ ng nag iisang diwata. Sorry di ko na inannounce pag punta ko dun HAHAHA kasi nakakapagod dami tao HAHAHA. Pinost ko kasi nakaalis na kami,” pagbabahagi ni Rosmar.

Kung matatandaan, inulan ng batikos mula sa maraming netizens ang social media personality at CEO na si Rosmar Tan matapos umano niyang gayahin ang pares overload ni Diwata.

Matatagpuan ang Rosmar Pares Overload sa R Mansion Resort & Restobar sa Calauan, Laguna at ang bagong branch nito sa Tagaytay.

Marami rin ang nagsabing “walang originality” o gaya-gaya si Rosmar kay Diwata.

Giit nila, sana raw ay hindi na tinapatan ni Rosmar ang paresan ni Diwata dahil mayaman na raw siya.

Ayon kay Rosmar, sa halagang 100 ay may kasama nang lechon kawali at bulaklak, unli rice, unli sabaw, at softdrink ang kanilang pares.

Agad namang nagsalita si Rosmar hinggil sa isyu at iginiit niyang negosyante lang siya.

Aminado rin siyang nakuha niya ang ideya ng kanyang paresan mula sa trending pares overload ni Diwata.

Iginiit naman ni Rosmar na hindi niya kinakalaban ang paresan ni Diwata, lalo pa’t malayo raw ang Laguna sa pwesto ng paresan ni Diwata sa Pasay City.