Vice Ganda, hindi pinalabas ng bahay si Awra matapos makulong

Matapos ang kinasangkutang gulo ni Awra Briguela sa Poblacion, Makati ay hindi talaga ito iniwan ng komedyanteng si Vice Ganda.

Sa latest vlog ni Vice Ganda, emosyonal na inamin ni Awra na hindi madali ang kaniyang mga pinagdaanan matapos siyang masangkot sa malaking kontrobersya.

Nabanggit rin ni Vice na halos isang taon niyang hindi pinalabas ng bahay si Awra, ngunit para kay Awra ay maraming realizations ang nangyari sa kaniyang buhay dahil sa nangyaring gulo.

Humingi rin ng dispensa si Awra sa mga taong nadismaya niya at nanawagan rin ito na wag siyang tularan.

Samantala, ibinahagi rin ni Vice na lumapit ang ama ni Awra sa kaniya hindi para humingi ng tulong, pinakiusapan umano siya nito na huwag agad palabasin sa kulungan si Awra para turuan ito ng leksyon at magtanda.

Ayaw umanong i-tolerate ng ama ni Awra ang hindi magandang gawain ng kaniyang anak, ayon pa kay Vice na iba ang pananaw ng ama ni Awra sa nangyari.

“Alam mo mo ang hirap-hirap sa posisyon ko noong mga panahong kinakausap ko kayong dalawa, kasi yong tatay niya hindi kunsintidor na tatay.

“Hindi siya yong tatay na lalapit sa akin para sabihing ‘Meme, ilabas mo yong anak ko sa kulungan, Meme, pakiayos naman si Awra, Meme tulungan nyo po si Awra” say ni Vice.

“Ang tatay niya iba ang atake, ang sabi niya sa akin, ‘Meme, ang pakiusap ko huwag mo muna siyang ilabas. alam kong tutulungan mo siya, pero wag mo muna siyang ilabas. Kasi gusto ko maranasan niya yong hirap doon para ma-realize niya.

“Tough love ang ibinibigay sa iyo ng tatay mo. Gusto niyang maranasan mo yong epekto noon sa iyo, na yong part na yon ng life mo ay hindi mo puwedeng takasan, you have to face it, realize things and learn from it.” ani ni Vice.

Pagbabahagi naman ni Awra na hanggang sa ngayon ay hindi pa sila fully okay ng kaniyang ama at mga kapatid dahil sa nangyari.

“We are getting better naman siguro po. Kasi feeling ko talaga it will take a lot of time bago kaming okay sa isa’t-isa, kasi nga siguro may mga time na wala akong courage na mag-open sa kaniya.

“Kasi hindi rin naman niya ako binibigyan ng sign or hindi ko nararamdaman ang tapang ko,” dagdag ni Awra.