Maricel Soriano, inaming sa kanya ang condo na nasa PDEA document

Inamin ng diamond star na si Maricel Soriano na sa kanya ang kontrobersyal na condo unit na nakasaad sa viral PDEA document.

Ayon pa kay Maricel Soriano na wala raw siyang alam sa PDEA document na kumakalat sa social media, nakasulat sa nasabing dokumento na gumagamit umano siya ng ipinagbabawal na gamot kasama si PBBM.

Ang PDEA document na ito ay mula pa noong 2012, nakasaad pa sa dokumento na kasama umano ni Maricel si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gumagamit ng bawal na gamot sa isang condo unit sa Rockwell, Makati City. 

Dumalo si Maricel sa ikalawang public hearing ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs noong May 7, ito ay kaugnay parin sa PDEA document ang naitanong sa kaniya ni Bato dela Rosa kung may alam ba ang aktres tungkol sa nasabing dokumento.

“Sa mga nag-viral na dokumento na nagdadamay sa pangalan mo, sa tingin mo ba may katotohanan ang mga nasabing dokumento?” tanong ni Bato.

“Unang-una po hindi ko ho alam ang tungkol sa dokumento, nalaman ko na lang yan noong pinakita sa akin dahil hindi po ako nagbabasa ng mga ganyan. Wala po akong alam,” sagot ni Maricel.

Dito ay naitanong rin kay Maricel kung siya ba talaga ang nagmamay-ari ng condo unit na nakasaad sa PDEA document.

“Opo. hanggang 2012 po. Nabenta ko na ho yon. Wala na ako don,” sagot ng aktres.

Minabuti naman ni Bato dela Rosa na humingi ng kopya ng deed of absolute sale ng condo unit ni Maricel Soriano sa Rockwell Makati.

Samantala, tinawanan na lamang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga alegasyon sa kaniya tungkol sa paggamit nila ni Maricel ng bawal na gamot sa loob ng isang condo unit sa Makati City.

Nang tanungin ng media si PBBM tungkol sa isyu ng PDEA document noong Lunes, May 6, natawa na lamang ito at hindi na sumagot.