Isang vlogger na si Encanto Bang ang pumukaw sa atensyon ng netizens dahil sa kakaibang pagkain ng sardinas na nilantakan niya sa kanyang vlog.
Sa mundo ng social media, hindi na bago ang makakita ng mga kakaibang content na nagiging viral.
Ano ang Mukbang?
Ang Mukbang ay isang uri ng online content creation na nagmula sa South Korea at ngayo’y tinatangkilik na rin sa iba’t ibang bansa. Ang salitang “mukbang” ay nagmula sa dalawang salitang Koreano: “muk” na nangangahulugang “kumain,” at “bang” na nangangahulugang “broadcast.”
Sa mga video na ito, ang mga content creator, na tinatawag din na “mukbanger,” ay kumakain ng malalaking porsyon ng pagkain habang nakikipag-interact sa kanilang mga viewers sa pamamagitan ng live streaming o recorded videos.
Ngunit kung noon ay puro mga normal na pagkain pero malalaki ang dami ang kinakain ng mga mukbanger, sa kasalukuyan, dumarami ang mga nakakaalarma at nakakabahalang content ng mga mukbanger. Ito’y kung saan hindi na lamang mga normal na pagkain ang kanilang nilalantakan kundi mga kakaiba o hindi na pangkaraniwan.
Ang kakaibang Sardinas mukbang ng vlogger na si Encanto Bang?
Gaya na lamang ng ginawa ng mukbang vlogger na si Encanto Bang sa sardinas.
Nagulat ang maraming netizens nang mapanood ang video ng vlogger na kung saan pinakita niya ang pagkain niya ng sardinas na binubuo ng iba’t ibang brand ng MSG, iba’t ibang flavor enhancers, at iba’t ibang condiments gaya ng hot sauce at wasabi.
Dahil sa kakaibang ingredients nito, marami ang nag-akala na hindi niya talaga kakainin ang dish, ngunit laking gulat nila nang nilantakan ni Encanto Bang ang pagkain.
Sa katunayan, tila sarap na sarap pa ang vlogger sa pagkain ng nasabing dish.
Samantala, agad namang nag-alala ang maraming netizens dahil sa mataas na salt content ng pagkain at ang posibleng epekto nito sa kanyang kidneys.
Komento ng netizens :
“Ok na sana pero yung betsin tsaka Magic Sarap sana di na idinagdag. Concern lang sa health mo lods. Kawawa kidney mo nyan.”
“Sakit sa bato, dialysis ang labas mo.”
“Vlogger sardinas food trip now, dialysis later.”
“Grabe, vetsin at Magic Sarap. Grabe, buhay pa ba kidney mo?”
Bagamat marami ang nagbigay ng negatibong komento, may ilang din namang nagsabi na maaaring edited ang video, at ang orihinal na bowl ng sardines ay pinalitan ng plain sardines bago ito kinain ni Encanto Bang.
Sa kabila ng iba’t ibang reaksyon, hindi maipagkakaila na patuloy na kinagigiliwan ng marami ang mga kakaibang content na hatid ng mga mukbang creators.
Gayunpaman, mahalaga pa ring maging responsable sa ating mga kinakain at alagaan ang ating kalusugan.
Paalala ng mga Eksperto
Nauna nang nagbabala ang mga doktor tungkol sa masamang epekto ng unhealthy eating habits, lalo na ang pagmu-mukbang ng mga pagkain na mataas sa asin, taba, at asukal.
Ito’y kasunod ng pagpanaw ng mukbanger na si Dongz Apatan mula Iligan City kamakailan kung saan hinihinalang sanhi ng kanyang pagkamatay ay ang pagmu-mukbang niya.
Binigyang-diin ng mga doktor ang kahalagahan ng pagiging maingat sa ating mga kinakain, dahil malaki ang epekto nito sa ating kalusugan.