Vice Ganda, tinanggal ang wig para sa searcher na may alopecia

Vice Ganda, tinanggal ang wig para sa searcher na may alopecia
PHOTO : Vice Ganda takes off his wig

Sa isang pambihirang pagkakataon, nasilayan ng madlang pipol ang komedyante at “Unkabogable Star” na si Vice Ganda na walang wig.

Nagbigay ng inspirasyon sa marami si Vice nang tanggalin niya ang kanyang wig sa live broadcast ng It’s Showtime noong Biyernes, July 19.

Nag-ugat ang pagtatanggal ng wig ni Vice dahil sa searcher ng segment nilang “EXpecially For You” na si April, na mayroong alopecia.

Ano ang Alopecia?

Sa mga hindi nakakaalam, ang alopecia ay isang kondisyon kung saan nalalagas ang buhok ng isang tao. 

Ang dahilan nito ay madalas dahil may problema sa immune system o autoimmune condition ang isang tao.

Maaari rin itong dulot ito ng stress, genetic factors, hormonal changes, o mga kondisyon tulad ng thyroid disorders.

Malaki naman ang epekto sa buhay ng isang tao ang alopecia, lalo na sa kumpiyansa sa sarili ng meron nito.

Searcher na si April, ibinahagi ang hirap na pinagdadaanan dahil sa alopecia

Ikinuwento nga ng searcher na si April na dahil sa alopecia kaya nagkaroon siya ng “insecurities” at bumaba ang kanyang kumpiyansa sa kanyang sarili.

Vice Ganda, tinanggal ang wig para sa searcher na may alopecia
PHOTO : Vice Ganda takes off his wig

Ito rin umano ang dahilan kung bakit siya naka-wig.

Aniya, “Wala akong hair. Naka-wig lang ako. Nagkakaroon ako ng insecurity. Baka mas deserve niya yung ibang babae na hindi siya pahihirapan pa. Sobrang laking impact ng insecurity ng pagkatao ko po nitong sakit ko.

“Parang ang baba ko po, ayun yung tingin ko sa sarili ko. Mababa po kasi sa sobrang dami kong problem, tapos ganito pa ako,” dagdag niya.

Vice Ganda, inaming matagal na natanggap na panot ang kanyang buhok

Samantala, bagaman wala siyang alopecia, inamin ni Vice na nakaka-relate siy sa pinagdadaanan ni April.

Ibinahagi ni Vice na isa rin sa kanyang insecurity ay ang kanyang buhok.

Kwento pa ni Vice, matagal din bago niya tuluyang natanggap ang kanyang buhok.

Ani Vice, Ang tagal nung journey ko sa acceptance na, ‘Ang pangit na ng buhok ko, maookray ako nito.’ Kasi. di ba, kapag bakla ka gusto mong maganda buhok mo. Pero bakla ka pero mataas hairline mo.”

Kasunod nito, iginiit ni Vice na hindi lang para pampaganda o para sa “aesthetic” kaya sila nagsusuot ng wig, kundi ito ay nagbibigay ng lakas sa kanila sa buhay.

Ani Vice, “Gusto ko lang sabihin na hindi lahat ng nagsusuot ng wig gusto lang umawra o lumandi or for aesthetic purposes lang. Maraming oras ang itinatawid ng pagwi-wig namin. Iniraraos kami ng pagwi-wig namin, because this wig gives us power. This gives us strength and hope and energy. Hindi kami nagwi-wig para umarte.”

Vice, tinanggal ang wig para suportahan ang mga tulad ni April

Kaya naman sa huli, walang pag-aalinlangan na tinanggal ni Vice ang kanyang wig upang ipakita ang kanyang suporta at magsilbing inspirasyon sa mga tulad ni April na mayroong alopecia o mga nagsusuot din ng wig tulad nila.

Ani Vice, “Parehas tayong naka-wig (April)…Kung makakatulong ito para makakuha ng kahit katiting na kumpiyansa si April, why not?”

Sinabi ni Vice na hindi na siya takot ngayong ipakita ang kanyang itsura na walang wig dahil may mga tao na umanong mahal siya kahit wala siyang wig.

Kabilang na umano rito ang kanyang ina at partner na si Ion Perez.

Ani Vice, “Ang tagal na panahon na takot ako dito na magpakita na walang wig, ngayon nasa punto na ako nang wala na akong pake. Meron nang taong mahal na mahal ako kahit wala akong wig.

“Hindi na rin ako affected sa mga pangit na pangit sa akin kapag walang wig. May wig o wala, may nagmamahal dito, ‘no. May wig o wala, may tumatanggap dito. Bukod kay Ion, mahal ako ng nanay ko, mahal ako ng mga kapatid ko, mahal ako ng pamilya ko, at mahal ako ni Lord,” diin ni Vice.