Sheena Palad, binatikos matapos ang performance nila ni Rica Maer

Sheena Palad, binatikos matapos ang performance nila ni Rica Maer
PHOTO : Sheena Palad and Rica Maer performance

Umani ng batikos ang singer na si Sheena Palad dahil sa ginawa niya kay Rica Maer sa singing competition ng TiktoClock na “Beat My Birit”.

Viral sa social media ang clip ng live telecast ng TiktoClock kung saan mapapanood ang showdown nina Sheena at Rica kasama ang isa pang contestant.

Umagaw sa pansin ng marami ang inasal ni Sheena lalo na nang makatapat niya sa stage si Rica.

Sa viral clip, mapapanood na ilang beses na sinaktan ni Sheena si Rica.

Una ay tinulak niya ito pababa ng stage. Pangalawa ay tinampal niya ito sa bandang noo. At panghuli, hinila niya ang buhok ni Rica.

Sheena Palad, binatikos matapos ang performance nila ni Rica Maer
PHOTO : Sheena Palad and Rica Maer

Maging ang host at komedyanteng si Pokwang ay nagulat sa ginawa ni Sheena kay Rica.

Nakunan ng camera ang paglaki ng mata, maging ang hindi makapaniwalang ekspresyon ng mukha ni Pokwang kasunod ng ginawa ni Sheena kay Rica.

Dahil sa insidente, muling nakatanggap ng matinding pambabash online si Sheena.

Tinawag siya ng maraming netizens na bastos at mapanakit na singer.

Sheena Palad, humingi ng sorry dahil sa ginawa niya kay Rica Maer

Samantala, agad namang humingi ng paumanhin si Sheena.

Sa Facebook group ng kanyang mga fans na tinatawag niyang “Soldiers”, nag-post si Sheena kung saan ipinaliwanag niya ang kanyang panig hinggil sa isyu.

Ayon kay Sheena,  “Magandang gabi po sa inyo. I would like to say sorry for disappointing you with my actions kanina sa ‘Beat My Birit.’” “Hindi ko naman po alam kung paano ko i-eexplain ang sarili ko HAHHAA pero manghihingi lang din po ako ng Panalangin sa inyong lahat.”

Nag-reply din si Sheena sa komento ng isang netizen na tinawag siyang “bayolente” dahil nananabunot umano siya.

Ayon kay Sheena, “choreographed” o hindi niya sinasadya ang mga ginawa niya kay Rica.

Sa isa pang hiwalay na reply, ibinahagi ni Sheena na humingi na siya ng paumanhin kay Rica.

Dagdag pa niya, maayos na raw ang lahat sa pagitan sa kanila ni Rica.

Ani ng netizen, “I hope nagsorry ka po dun kay Miss Rica Maer after po ng ginawa nyo sa kanya sa stage.”

Reply naman ni Sheena, “Yes. Nakapag-usap na po kami ni ate Rica Mae Maer. After the show and even now. Maayos naman po kami. Thank you po for reminding. Really appreciate this.”

Rica Maer, pinatawad na si Sheena Palad

Samantala, sa isang Facebook post, inamin naman ni Rica na nasaktan siya sa ginawa ni Sheena.

Pero nilinaw niyang mabait na tao si Sheena.

Facebook post ni Rica:

“Spread love and Positivity” 

“Beat my Birit” talaga is bardagulan sa biritan, kantahan na may angasan. May initial na plano sa mga gagawin o usapan, pero walang sinasadyang sakitan, at walang hindi naaayos sa usapan sa likod ng camera.

“Sheena Palad is a Good person””maasikaso ,Very Supportive 

“Inaamin kopo nasaktan ako pero  “NOBODY’S PERFECT “lahat tayo NAGKAKAMALI PANGINOON NGA NAG PAPATAWAD TAYO PA KAYA 

“yes nagkamali po siya pero sana maging ok na ang lahat kasi ok naman na po kaming DALAWA AT HUMINGI NA PO SIYA NG SORRY  AT PINAGSISIHAN NA PO NIYA 

“SANA PO MAGMAHALAN NALANG TAYONG LAHAT.”

Matatandaang kamakailan lang ay usap-usapan din si Sheena matapos niyang palitan ang veteran actress na si Eva Darren sa 72nd FAMAS na naganap noong Mayo 26, 2024, sa Manila Hotel, Maynila.

Nilinaw ni Sheena na hindi niya alam na papalitan niya si Eva.