Marami ang nagulat nang ibinunyag ni Rosmar Tan na umaabot sa 1 milyon hanggang 2 milyon pesos ang kanyang gastos kada araw.
Si Rosmar Tan ay isa sa mga pinakamatagumpay na negosyante sa Pilipinas.
Sa kabila ng kanyang malaking tagumpay, hindi naging madali ang pag-angat ni Rosmar sa buhay.
Kilala siya sa kanyang kasipagan, tiyaga, at determinasyon na magsumikap sa buhay.
Paano umasenso si Rosmar Tan?
Kamakailan lamang, sa isang panayam ni Karen Davila sa kanyang YouTube channel, ibinahagi ni Rosmar ang kanyang kwento ng tagumpay at kung paano siya umasenso sa buhay.
Ani Rosmar, “Para sa akin po, siguro dahil na rin po sa sipag at tiyaga at saka determinasyon na magsumikap sa buhay.”
Aminado naman si Rosmar na malaki ang tulong ng social media kaya siya nagtagumpay sa buhay, lalo na ang TikTok.
Noong kasagsagan kasi ng pandemic, lumago nang sobra ang kanyang skincare business dahil sa kanyang TikTok videos.
Paano na-realize ni Rosmar na mayaman na siya?
Samantala, inamin ni Rosmar na na-realize lamang niya na mayaman na siya nang umabot na sa 1 million hanggang 2 million ang kanyang expenses o ginagastos sa isang araw.
Aniya, “Para po sa ‘kin, siguro ‘yung expenses ko sa isang araw, eh parang milyon, gano’n, na parang never kong kinita before. Ang dami kong business, may pet shop, may samgyupsal, restaurant, ukayan, fish store, parang lahat na po, ginawa kong business. Halos sabay-sabay pa ‘yon na never kong kinita. Pero ngayon, imagine niyo ‘yung 1M or 2M, minsan expenses ko na lang po sa isang araw.”
Ngunit masasabi na nga ba ni Rosmar na isa na siyang bilyonaryo?
Nang tanungin ni Karen kung bilyonaryo na ba siya, itinanggi ito ni Rosmar ngunit sinabi niyang natutuwa siya dahil iniisip ng mga tao na bilyonaryo na siya.
Ani Rosmar, “Nakakatuwa, kasi iniisip nilang ganon. Pero ang sakin lang naman po gustong gusto ko lang po kumita ng kumita para po sa future ng mga anak ko at sa mga tao po na umaasa po sa amin.”
Paano nagsimula sa real-estate business si Rosmar?
Bukod sa kanyang skincare business, si Rosmar ay nagmamay-ari ng mahigit 10 resort at 30 land titles na nakapangalan sa kanya sa Laguna, Batangas, Palawan, at Tagaytay.
Isa na rito ang bubuksan pa lamang niyang R Palacio De Tagaytay, isang resort at event place na matatagpuan sa Tagaytay.
Isa sa mga tanong ni Karen ay kung kailan nagsimula si Rosmar sa paggawa ng mga resort.
Sagot ni Rosmar, “Simula nung kumikita na sa skincare, nagpundar na agad kami ng mga property na may mga pool. So nakatengga lang po siya. Naisip ko why not i-open namin siya sa public? Nagkaroon po kami ng mga resort then mura lang po ang pa-renta namin para ma-afford ng iba yung quality maganda pero mura.”
Sikreto ng tagumpay ni Rosmar
Samantala, ibinahagi ni Rosmar ang sikreto sa likod ng kanyang tagumpay.
Ito ay ang pagkakaroon ng business mindset at ang pag-take ng risks habang bata pa.
Aniya, “Si Papa kasi business minded siya pero at the same time po kasi sabi ko kung hindi ako susugal sa pagnenegosyo or mag-take ng risk, walang mangyayari. Darating yung time na uugod na tayo, hindi na natin kayang mag-invest. So habang bata pa, go lang nang go.”
Ang kwento ni Rosmar Tan ay isang inspirasyon sa maraming Pilipino na nagsusumikap at nangangarap na umasenso sa buhay.
Ipinapakita nito na sa tamang kombinasyon ng sipag, tiyaga, at determinasyon, kayang makamit ang tagumpay.