Robin Padilla sa KathNiel : “Magkaka-balikan yon!”

Robin Padilla sa KathNiel Magkaka-balikan yon
PHOTO : Robin Padilla and KathNiel

Malakas ang paniniwala ng senador na si Robin Padilla na magkaka-balikan pa sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo o ang KathNiel.

Base sa ulat ng Abante, nahingan ng reaksyon si Robin tungkol sa hiwalayan nina Daniel at Kathryn, o KathNiel, sa mediacon ng kanyang bagong pelikula tungkol sa buhay ni dating senador Gringo Honasan.

Ayon kay Robin, hindi nagkukuwento sa kanya si Daniel pero kahit papaano ay may alam umano siya sa kwento ng love story at hiwalayan nito at ni Kathryn.

KathNiel, magkakabalikan pa ayon kay Robin

Bilang beterano na sa showbiz, malakas ang pakiramdam ni Robin na magkakabalikan pa sina Daniel at Kathryn, lalo na kung gagawa raw ng pelikula ang dalawa.

Robin Padilla sa KathNiel Magkaka-balikan yon
PHOTO : Robin Padilla

Aniya, “Kapag magkasama kami (Daniel), puro kantahan, pero sa loob ng kanta nandoon ang mga kwento…Kapag gumawa ng pelikula ‘yon, magkakabalikan ‘yon.”

Dagdag ni Robin, “Ganun lang talaga, sa tagal natin sa industriya alam naman nating lahat na mga ganyang partnership, love team, dadaan sa prosesong ganyan, kasi nagma-mature sila, eh. Nakikita nila ‘yung mundo… kung gaano kalawak ang mundo.”

Para naman kay Robin, ‘expected’ na raw na maghihiwalay sina Daniel at Kathryn lalo na’t nag-mature na raw ang mga ito.

Aniya, “Syempre ngayon iba na, mature na sila, may mga bagong… syempre iba na mga project niyan, may maturity na, so talagang expected. Pero ako, alam kong magkakabalikan ‘yan.”

Robin, may payo sa KathNiel

Pinayuhan naman ni Robin sina Daniel at Kathryn na mag-enjoy muna sa kani-kanilang sarili ngayong magkahiwalay sila.

Ani Robin, “Ngayong magkahiwalay kayo, mag-enjoy din kayo sa mga sarili ninyo. Habang nag-e-enjoy kayo, doon ninyo malalaman na mahal ninyo ang isa’t isa.”

Relationship Timeline ng KathNiel

Matatandaang nabuo ang tambalan ng KathNiel noong 2011 nang magsama sila sa teen-oriented series ng Kapamilya network na “Growing Up”.

Matapos makitaan ng potensyal na maging isang phenomenal loveteam, muling ipinares ang KathNiel sa seryeng “Princess and I”.

Hanggang 2013, nagsunod-sunod na ang proyekto ng KathNiel. 

Mula sa kanilang pinakamalaking drama na “Got To Believe” hanggang sa kanilang first-ever movie na “Must Be…Love,” namayagpag ang showbiz career ng KathNiel.

Ngunit walang kaalam-alam ang lahat na may namumuong pagmamahalan na pala sa pagitan nina Daniel at Kathryn.

Hanggang taong 2018, kinumpirma nila na matagal na silang magkarelasyon.

Gayunpaman, hindi tulad ng kanilang mga teleserye at pelikula, hindi naging ‘happy’ ang ‘ending’ ng kanilang relasyon.

Ito’y matapos nilang inanunsyo noong November 2023 ang kanilang hiwalayan.

Sa ngayon, napapabalitang nililigawan ng aktor na si Alden Richards si Kathryn habang usap-usapan namang may nililigawang mayamang babae sa Batangas si Daniel.