Netizen na mahilig sa soda, takot na manood kay Dr. Kilimanguru

Netizen na mahilig sa soda, takot na manood kay Dr. Kilimanguru
PHOTO : Dr. Kilimanguru

Isang netizen ang nag-viral online matapos magbigay ng nakakaaliw ngunit nakakabahalang reaksyon sa vlog ng kilalang social media doctor na si Dr. Kilimanguru

Sa halip kasi na sundin ang babala ng doktor tungkol sa sobrang pag-inom ng softdrinks, sinabi niyang mas mabuting tumigil na lang siya sa panonood ng mga vlog nito.

Sino si Dr. Kilimanguru?

Si Dr. Kilimanguru, o Dr. Winston Kilimanjaro Creones Tiwaquen sa tunay na buhay, ay isang Baguio-based licensed physician. 

Kilala siya sa social media bilang doktor na nagbibigay ng madaling intindihing impormasyong medikal at mga tip para mapangalagaan ang kalusugan.

Isa sa kanyang pinakabagong health content ang tumutok sa mga nakasisira sa kidneys, kabilang na ang labis na pag-inom ng softdrinks. 

Dito, ipinaliwanag ni Dr. Kilimanguru ang mga panganib na dulot ng sobrang pag-inom ng matatamis na inumin.

“Ang softdrinks ay ginagawang acidic ang ihi. Pag sobrang acidic ang ihi, pwede kang magkabato sa kidneys,” paliwanag niya. 

Dagdag niya, “Maliban dito, ang softdrinks ay pwedeng magdulot ng high blood sugar. Kapag sobrang taas ng blood sugar, maaaring masira at sumikip ang mga ugat sa kidneys, kaya magkukulang ang blood supply nito.”

Maraming netizens ang tila natauhan at nangakong lilimitahan ang kanilang pag-inom ng softdrinks. 

Ngunit isang kakaibang reaksyon ang naging usap-usapan matapos itong i-post ni Dr. Kilimanguru sa kanyang Facebook page.

Sa naturang post, ibinahagi ng netizen na nagngangalang “Vanessa” na natatakot siya sa epekto ng kanyang pag-inom ng softdrinks, lalo na’t umaabot siya minsan ng apat na bote ng Mountain Dew kada araw. 

Subalit, sa halip na sundin ang payo ng doktor na limitahan ito, mas pinili niyang iwasan na lang ang panonood ng mga vlog ng doktor.

Ayon kay Vanessa, “Every day Mountain Dew, minsan maka-4 bottles ako. Natakot naman ako bigla para sa kidneys ko. Kaya titigil na ko manood dito.”

Ang komento ni Vanessa ay agad nag-viral at umani ng samu’t saring reaksyon mula sa netizens:

“Magiging kwento ka talaga vanessa”

“Start ngaun Vanessa mg ipon kna for dialysis mo”

“Ipon narin 3,500 per day Vanessa and make sure may philhealth and health insurance”

“Nako di po biro ang kidney”