Hindi napigilan ng PBB o Pinoy Big Brother Collab housemates na maluha sa kwento ng buhay ni Klarisse de Guzman.
Klarisse de Guzman, mas nakilala sa PBB
Si Klarisse ay isang batikang OPM singer na unang nakilala nang maging finalist sa The Voice Philippines noong 2013.
Mula noon, naging regular siya sa ASAP at naging bahagi ng ‘Birit Queens’ kasama sina Jona, Angeline Quinto, at Morissette Amon.
Sa kabila ng kanyang tagumpay, hindi naging madali ang kanyang pinagdaanan sa personal na buhay.
Ngayong taon, pumasok siya sa PBB Collab upang harapin ang bagong hamon, ngunit hindi niya inakala na magiging emosyonal ang kanyang journey sa loob ng bahay.
Inspiring life story ni Klarisse
Sa isang heart-to-heart talk session ng housemates, ikinuwento ni Klarisse ang kanyang pinagdaanan noong 2023, kung saan sunod-sunod na pagsubok ang dumating sa kanyang pamilya.
Ayon kay Klarisse, nasa Amerika siya noon para sa isang tour nang makatanggap siya ng tawag na isinugod sa ospital ang kanyang ama.
Sa kabila ng matinding pagnanais niyang makauwi agad, hindi ito naging posible.
Emosyonal na kwento ni Klarisse ;
“Noong 2023, month siguro ‘to ng June, nasa US ako noong may tour. After ng last show ko, kinabukasan tinawagan ako na tinakbo sa ospital ‘yung father ko. Kung puwede lang mag-magic noon, from US to [Philippines], uuwi talaga ako. Pero hindi kaya.”
Sa parehong panahon, nagkasakit din ang kanyang ina, at parehong sumailalim sa dialysis ang kanyang mga magulang.
Ikinuwento niya kung paano siya nahirapan sa sitwasyon, lalo na’t wala siyang malapitan para humingi ng lakas ng loob.
Ani Klarisse, “After nun, tuloy-tuloy na ‘yung papa ko naospital, tapos mama ko naman nagkasakit, so pareho sila nagda-dialysis. Okay lang sana, ‘di ba, may sakit ‘yung isang parent mo, tapos hihingi ka ng lakas ng loob sa isa. Pero wala akong mahingan ni isa sa kanila kasi pareho silang may sakit.”
Sa kabila ng dasal niyang gagaling ang kanyang ama, pumanaw ito noong nakaraang taon.
Wish ni Klarisse kanyang ama
Hindi napigilan ni Klarisse na maging emosyonal nang ibahagi niya ang kanyang “wish” sa kanyang ama—at ito ay huwag munang kunin ang kanyang ina.
Ani Klarisse, “Namatay ang papa ko… 4 months ago. Alam niyo ang wish ko sa papa ko? ‘Pa, ‘wag mo muna kunin si Mama…’ Hindi ko pa kaya… pahiram mo muna sa ‘kin si Mama.”
Sa ngayon, nagpapasalamat si Klarisse na nasa mabuting kalagayan pa rin ang kanyang ina, na siyang patuloy na nagbibigay sa kanya ng lakas.
Aniya, “Ayun, until now, kinakaya naman ni Mama. In good health siya. Paglabas ko, siya ang sasalubong sa akin.”
Klarisse de Guzman, inaming mababa ang kanyang kumpiyansa sa sarili
Bago pa man mangyari ito, malaki ang naging papel ng kanyang mga magulang sa kanyang karera.
Aminado si Klarisse na madalas siyang mawalan ng kumpiyansa sa sarili, at ang kanyang ama at ina ang palaging nagtutulak sa kanya upang magpursige.
Kwento niya sa isang panayam, “Ako kasi ‘yung tao na medyo mababa ang self-confidence ko. Mga magulang ko—parents ko, ang mama at papa ko—ang nag-push sa akin. Feeling ko hindi ako magaling kumanta. Ang dami kong insecurities. So sila ang nag-push sa akin para sumali. And ‘yun, naging okay naman na.”
Dagdag pa niya, ang kanyang ama ang dahilan kung bakit nahilig siya sa musika.
Aniya, “Si papa talaga ‘yung mahilig [sa music], bata pa lang ako sa videoke, mga naggigitara…kaya siguro talagang na gusto rin ako sa music talaga, doon din ako napunta.”
Reaksyon ng housemates
Matapos marinig ang kanyang kwento, halos lahat ng housemates ay napaiyak.
Si Ivana Alawi ay halos maubos ang luha, at maging ang iba pang Kapamilya at Kapuso housemates ay hindi rin napigilan ang kanilang emosyon.