Kathryn Bernardo, nililigawan ni Lucena City Mayor Mark Alcala

Kathryn Bernardo, nililigawan ni Lucena City Mayor Mark Alcala
PHOTO : Mark Alcala and Kathryn Bernardo

Lumutang ang pangalan ng batang alkalde ng Lucena City na si Mayor Mark Alcala bilang bagong manliligaw di umano ngayon ni Kathryn Bernardo.

Gaano nga ba katotoo ang balitang ito?

Unang ibinalita ng popular na entertainment website na pep.ph na nanliligaw si Mayor Mark kay Kathryn noong Lunes, July 29. 

Ang artikulo ay isinulat ng batikang showbiz writer na si Jojo Gabinete kung saan sinabi niyang isang “unimpeachable source” o mapagkakatiwalaang source di umano ang nagkumpirma sa kanila na nililigawan ni Mayor Mark si Kathryn. 

Wala namang nabanggit na iba pang detalye tungkol sa panliligaw ni Mayor Mark kay Kathryn ang nasabing source.

Sino si Mayor Mark Alcala?

Hindi na bago sa mga showbiz issue ang 30-taong gulang na mayor dahil nagkaroon na rin siya ng girlfriend mula sa industriya na walang iba kundi ang Kapuso actress na si Ashley Ortega.

Kathryn Bernardo, nililigawan ni Lucena City Mayor Mark Alcala
PHOTO : Mark Alcala

Ngunit noong March 2023, kinumpirma ni Ashley na hiwalay na sila ni Mayor Mark. 

Ayon sa kanya, 2022 pa sila naghiwalay ng landas ni Mayor Mark. 

Sa isang panayam, inamin naman ni Ashley na labis siyang nasaktan sa hiwalayan nila ni Mayor Mark. 

At bagamat hindi na niya idinetalye pa ang dahilan ng kanilang hiwalayan, nilinaw naman ni Ashley na “mutual decision” umano ang paghihiwalay nila ni Mayor Mark.

Aniya, “Aaminin ko, when we broke up talagang I was at my lowest din kasi syempre na-in-love tayo ng sobra. But what happened before, it was a mutual agreement naman. So ngayon, I’m better.”

Mark Alcala at Mika Reyes

Ilang buwan matapos kumpirmahin ni Ashley ang hiwalayan nila, na-link naman si Mayor Mark sa professional volleyball player na si Mika Reyes. 

Ito’y matapos silang maispatan na magkasama ng ilang beses sa iba’t ibang okasyon at lugar.

Kabilang na rito ang panonood ni Mayor Mark sa mga laro ni Mika. 

Gayunpaman, hindi kailanman kinumpirma nina Mika at Mayor Mark ang espekulasyon na may namamagitan sa kanila.

Mga napabalitang nanliligaw kay Kathryn

Hindi lingid sa kaalaman ng marami na mula nang maghiwalay sila ng kanyang boyfriend for 11 years na si Daniel Padilla, iba’t ibang lalaki na ang iniuugnay kay Kathryn. 

Kabilang na rito ang Kapuso actor na si Alden Richards, hunk actor na si Jericho Rosales, at dating aktor na si Dominic Roque. 

Kaya naman labis na ikinagulat ng marami nang mabalitaan nilang isang politiko naman ngayon ang nanliligaw kay Kathryn.

Sa ngayon, wala pang reaksyon o pahayag si Kathryn hinggil sa balitang nililigawan di umano siya ni Mayor Mark. 

Kasalukuyang nasa Canada si Kathryn para gawin ang pelikulang “Hello, Love, Again” na sequel ng 2019 blockbuster movie nila ni Alden na “Hello, Love, Goodbye”.