Jellie Aw, inaming mahal niya pa rin si Jam Ignacio

Jellie Aw, inaming mahal niya pa rin si Jam Ignacio
PHOTO : Jellie Aw

Marami nabahala matapos aminin ni Jellie Aw na mahal pa rin niya si Jam Ignacio, sa kabila ng matinding pambubugbog na dinanas niya mula rito.

Sinapit ni Jellie Aw sa kamay ni Jam Ignacio

Matatandaang noong February 12, unang nag-viral ang mga larawan ni Jellie na halos hindi na makilala dahil sa matinding pinsala sa kanyang mukha—duguan, putok ang labi, at namamaga ang mga mata.

Ayon sa kanyang salaysay, binugbog siya ni Jam sa loob ng sasakyan nito matapos magselos sa isang katrabaho niyang DJ.

Nagawa niyang makatakas matapos hindi gumana ang RFID ni Jam nang dumaan sila sa toll gate.

Kasunod nito, nagsampa si Jellie ng kaso laban kay Jam sa National Bureau of Investigation (NBI).

Ngunit imbes na harapin ang kaso, nagtago si Jam.

Noong February 19, lumantad siya sa isang panayam sa 24 Oras kung saan humingi siya ng tawad at nagmakaawang ayusin nila ang kanilang relasyon at ituloy ang kanilang kasal.

Reaksyon ni Jellie Aw sa panawagan ni Jam Ignacio

Samantala, nagsalita si Jellie tungkol sa naging pahayag ni Jam, kung saan inamin niyang mahal pa rin niya ito sa kabila ng nangyari.

Nanghihinayang umano siya dahil marami pa silang pangarap ni Jam.

“Love ko pa rin po kahit ganun ‘yung ginawa niya sa akin. Love ko pa rin naman po si Jam,” ani Jellie.

Dagdag pa niya, “Plano na naming mag-baby, plano na talaga naming mag-family. Marami kaming pangarap ni Jam na nakakapanghinayang dahil sa nagawa niyang pambubugbog sa akin. Nawala lahat.”

Tuloy ang kaso

Sa kabila nito, nanindigan si Jellie na hindi niya babawiin ang isinampang kaso laban kay Jam.

Aniya, dapat pagbayaran ni Jam ang ginawa nito, na hindi lamang nagdulot sa kanya ng pisikal na sakit kundi matinding trauma rin sa kanya at sa kanyang pamilya.

Aniya, “Hindi ako papayag na sorry na lang ‘yung sasabihin ni Jam…’Yung physical po kasi gagaling pa eh. Pero ‘yung sa emotional, ang hirap na po. Parang ‘pag araw-araw naalala mo, masakit.”

“Respeto na lang din po sa magulang ko kasi sobrang na-trauma din po ‘yung mama ko. Parang gabi-gabi po siya umiiyak. Hindi ko kaya na ganun ang nanay ko,” dagdag niya.

Sa huli, iginiit ni Jellie na hindi na niya papakasalan si Jam.

Dagdag ng dalaga, “Wala na pong kasal na magaganap. Hindi na po matutuloy yung mga napag-usapan namin dahil sa nangyari….Respeto na rin po sa akin bilang babae and sa family ko na sana harapin niya ‘yung ginawa niya.”