Alice Guo, nakatakas; matagal nang nakaalis ng Pilipinas

Alice Guo, nakatakas; matagal nang nakaalis ng Pilipinas
PHOTO : Alice Guo

Bumalabog at umingay sa social media at buong Pilipinas ang balitang nakaalis na ng bansa si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Matatandaang noong July 13, nag-isyu ng arrest order ang Senado laban kay Guo, o Guo Hua Ping, matapos siyang hindi sumipot sa isang hearing. 

Ngunit kasunod nito, bigla na lamang siyang naglaho na parang bula.

Hanggang isang nakakagulat na impormasyon ang nasagap ng National Bureau of Investigation—nakaalis na ng bansa si Alice.

Alice Guo, nagtago matapos ilabas ang kaniyang warrant
PHOTO : Alice Guo’s Senate hearing

Sen. Hontiveros: Alice Guo Nakaalis Na ng Bansa!

Kinumpirma ni Sen. Risa Hontiveros sa kanyang Facebook page nitong Lunes, August 19, na wala na sa Pilipinas si Guo.

Ayon kay Sen. Risa, “BREAKING NEWS! Si Alice Guo o Guo Hua Ping ay nakaalis na ng Pilipinas! [angry face emoji].” 

Bilang patunay, ipinakita niya ang isang dokumento na nagpapakitang noong July 18 pa umalis si Guo patungong Kuala Lumpur, Malaysia.

Ani Sen. Risa, “I am now in receipt of information that in fact this person was already out of the country on July 18, 2024 to Kuala Lumpur, Malaysia. Ipapakita ko po ang dokumentong ito, bilang patunay na pumasok sa Malaysia si Alice Guo. Siya po ay pumasok ng 12:17:13 ng July 18.”

Dagdag pa ni Sen. Risa, tugma ang nakuhang travel documents ng NBI sa Philippine passport ni Guo, kaya’t kumpirmadong siya nga ito. 

Ani Sen. Risa, “Mr. President (Sen. Chiz Escudero), hindi po pwede ipagkaila na siya ito dahil po match na match po ito sa kanyang Philippine passport na ifaflash ko ngayon. Maraming salamat sa NBI sa impormasyon na ito, patuloy ang pag track nila kay Alice Guo.”

Ipinakita rin ni Sen. Risa na dumiretso si Guo sa Singapore at tila nagkaroon ng ‘reunion’ kasama ang kanyang pamilya.

Ani Sen. Risa, “Ayon sa aking isa pang source, tumuloy si Alice Guo sa Singapore, kung saan nag tagpo tagpo sila ng kanyang magulang na si Lin Wen Yi at Guo JianZhong. The couple flew in from China on July 28, 2024. Mistulang reunion sila doon kasama si Wesley Guo at si Cassandra Ong.”

Alice Guo, nakaalis ng bansa sa tulong ng ilang opisyales ng gobyerno?

Samantala, labis na sama ng loob ang naramdaman ni Sen. Risa dahil nakatakas si Guo.

Malakas naman ang hinala ni Sen. Risa na may tumulong kay Guo na mga opisyales mula sa gobyerno para makaalis ito.

Iginiit naman ni Sen. Risa na malaking sampal sa law enforcement ng ating bansa na nakaalis si Guo.

Ani Sen. Risa,”Who allowed this travesty to happen? Sino ang may kagagawan nito? Hindi makakaalis si Alice Guo kung walang tumulong sa kanya na mga opisyales ng pamahalaan.”Para tayong ginigisa sa sarili nating mantika.

“I have always believed that legislative hearings are policy-driven kaya nung nag announce na ng ban ang Pangulo, sabi ko, we have done our jobs, let law enforcement take the lead. Pero paano kung ang law enforcement mismo ang kelangan imbestigahan? What if they dropped the ball? Paano kung sila ang dapat managot?

“Nangako ang BI sa akin at sa Senate President Pro Tempore na hindi nila hahayaan si Guo Hua Ping na makaalis sa Pilipinas, eh yun pala ay wala na talaga siya.

“Kung hindi po natin ito gawan ng paraan, as an institution, as a country, parang nagpasampal tayo sa dayuhang ito na paulit ulit na sinasaula ang ating mga batas, patakaran at proseso.”

Involvement ni Alice Guo sa POGO at Ibang issue

Matatandaang nasangkot si Alice sa kontrobersiya dahil sa umano’y kaugnayan niya sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO). 

Bukod pa rito, pinagdududahan din ang kanyang pagiging Pilipino dahil sa mga hindi tumutugmang impormasyon tungkol sa kanyang pagkatao. 

Umagaw ng atensyon si Alice sa senate hearing dahil sa kanyang kahina-hinalang mga sagot, tulad ng “Hindi ko na po maalala, your honor” at iba pang detalye tungkol sa kanyang personal na buhay.