NEDA : Filipinos spending P64 a day for 3 meals not “food poor”

NEDA : Filipinos spending P64 a day for 3 meals not "food poor"
PHOTO : Public Market

Marami ang umalma sa pahayag ng NEDA tungkol sa halaga na kailangan gastusin ng isang indibidwal para hindi maituring siya na “food poor”.

Ayon kasi sa NEDA o National Economic and Development Authority, hindi pa maituturing na food poor ang isang tao kung gumagastos ng P64 kada araw o P21.3 bawat kain para sa pagkain.

Ano ang “food poor”?

Masasabing ang isang tao o pamilya ay “food poor” kapag wala silang kakayahang makabili o makakuha ng sapat na pagkain para sa isang masustansiyang diet.

P21 per meal, hindi pa food poor – NEDA

Sa unang araw ng pagdinig sa Senado para sa proposed 2025 budget nitong Martes, August 13, sinabi ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan na kapag gumagastos ng P64 kada araw o P21.3 per meal para sa pagkain, hindi pa ito makokonsidera na ‘food poor’.

Aniya, “As of 2023, a monthly food threshold for a family of five is 9,581 pesos. It comes out about P64 per person.”

NEDA : Filipinos spending P64 a day for 3 meals not "food poor"
PHOTO : NEDA : Filipinos spending P64 a day for 3 meals not “food poor”

Dagdag pa ni Balisacan, tumaas na ito mula noong 2021 na nasa P55 kada tao, at inaasahang tataas sa P67 sa 2025.

Nilinaw din niya na ang P64 na budget para sa pagkain ay base lamang sa inflation at nagsisilbing pamantayan para matukoy ang bisa ng mga patakaran ng gobyerno sa pagbawas ng kahirapan.

Aniya, “The reason we are keeping it constant, in real terms after adjusting for inflation, is just to ensure that we are tracking properly the changes and allow us to understand whether our policies, our programs are working insofar as these are able to reduce poverty.”

Kinuwestiyon ni Sen. Grace Poe ang itinakdang food poor threshold ng NEDA. Giit niya, hindi makatotohanan ang P64 kada araw na budget para sa pagkain.

Sinabi rin ni Poe na kailangang repasuhin ng NEDA ang kanilang poverty threshold upang mas maayon sa aktuwal na kalagayan ng mga Pilipino.

“There are certain things that need to be constant, but there are certain things that have to be adjusted because when you compute poverty thresholds using an old number which is obviously not workable anymore, P20 per meal eh hindi totoo ‘yung poverty forecast [niyo],” ani Poe.

Bilang tugon, sinabi ni Balisacan na susuriin muli ang poverty threshold. 

Binanggit niya na ang kasalukuyang basket ng pagkain ay hindi na binago sa loob ng mahabang panahon at kailangan itong repasuhin upang mas makatugon sa pangangailangan ng mga Pilipino sa kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya.

Aniya, “The basket has not been changed for some time. Although, the value of that basket has been adjusted for inflation… We’ll be revisiting, I think it’s due for revisit of that poverty threshold natin kasi medyo matagal na rin, more than a decade na ‘yon since it was set.”

Dagdag pa niya, “The Department of Health and the Food and Nutrition Research Institute, sila ho ang nag-determine ng basket na ‘yon and what constitutes a reasonable food basket that could meet the nutritional particularly calorie requirement.”

Mga Pilipino, umalma sa P64 kada araw o P21.3 per meal na ‘food poor’ threshold

Maraming sektor ng lipunan ang nagpahayag ng pagkadismaya sa itinakdang poverty threshold ng NEDA. 

Ayon sa kanila, hindi sapat ang P64 na budget para sa pagkain kada araw upang tugunan ang pangangailangan ng isang indibidwal o pamilya.

Ayon kay Ronnel Arambulo, vice chairperson ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA), “Isang kilong bigas at isang itlog lamang ang mabibili ng P64. Paano ‘yan pagkakasyahin ng indibidwal sa isang maghapon?”

Dagdag pa niya, “Napakalayo sa reyalidad ang datos ng NEDA sa klasipikasyon ng pagiging ‘food poor.’ Sadyang pinabababa ang basehan ng pagiging mahirap para bigyang-katwiran ang napakababang pasahod sa mga manggagawa, at makaiwas ang gobyerno sa responsibilidad nitong magbigay ng ayuda at suporta sa mga naghihirap na sektor.”