Ina at Girlfriend ni Carlos Yulo, may bangayan sa social media

Ina at Girlfriend ni Carlos Yulo, may bangayan sa social media
PHOTO : Angelica Yulo and Chloe San Jose

Pinagpipiyestahan ngayon sa social media ang hidwaan sa pagitan ng ina at girlfriend ng Pinoy gymnast na si Carlos Yulo.

Matapos ang makasaysayang pagkapanalo ni Carlos ng dalawang gold medals sa 2024 Paris Olympics, nabunyag sa publiko na hindi maayos ang relasyon ngayon ni Carlos at ang kanyang ina na si Mrs. Angelica Poquiz Yulo.

Ina ni Carlos Yulo, mas suportado pa ang Japan kaysa sa anak
PHOTO : Angelica Yulo and Carlos Yulo

Ang itinuturong dahilan? Walang iba kundi ang girlfriend ni Carlos na si Filipino-Australian vlogger na si Chloe Anjeleigh San Jose.

Carlos, hindi binati ng ina

Unang napansin ng maraming netizens na may hindi magandang relasyon si Carlos at ang kanyang ina nang hindi siya batiin nito sa social media.

Marami rin ang naintriga sa Facebook post ni Angelica noong August 1, kung saan pinuri niya ang pambato ng Japan na si Shinnosuke Oka, na nakasungkit ng gold medal sa men’s all-around gymnastics category kung saan pang-12 pwesto lang si Carlos.

Ani Angelica, “Japan pa din Talaga.. Lakas.”

Matapos manalo si Carlos, inulan ng komento ang nasabing post ni Angelica.

Ina ni Carlos Yulo, nilustay ang kanyang pera?

Marami rin ang nagsabing pera ang dahilan ng hidwaan nina Carlos at Angelica.

Ayon sa ilang ulat, ginalaw o nilustay umano ni Angelica ang pera ni Carlos sa bangko nang hindi nito alam.

Agad namang nagsalita si Angelica tungkol dito upang ipagtanggol ang kanyang sarili.

Sa isang viral na video sa social media, mapapanood ang interview ng isang radio station kay Angelica kung saan idinetalye niyang nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan ni Carlos matapos itong kumuha ng affidavit of loss dahil sa nawalang passbook nito.

Ani Angelica, “Since hawak ko yung passbook niya, nagpasa siya ng affidavit of loss. Got it notarized tapos pinasa niya sa BDO. So syempre, sa kanya lang nakapangalan yun. Kaya may right talaga siya na kunin yung pera niya. Kaya lang kasi, hindi ko in-expect sa ganung paraan. Kasi binigyan ko pa siya ng benefit of the doubt na kukunin niya sa amin nang maayos na [paraan]. Ibibigay naman namin.”

Binigyang-diin ni Angelica na hindi niya “ninakaw” ang pera ni Carlos.

Aniya, “As far as I remember, December 2022, nagpunta kami ng bangko nag-update pa kami ng signature niya. Ngayon, kung ako after ako sa pera niya, that time kasi alam ko iba na yung feeling ko. That time, sana sinabi ko sa kanya mag-joint account kami. Pero never kong sinabi. Hindi ko ginawa.”

Dagdag niya, “Nakuha naman ni Caloy nang buung-buo sa BDO yung pera niya na nagkakahalaga ng PHP11 million. So, nakuha niya yun […] Wala kaming ninakaw, wala kaming ginalaw na pera niya. Siguro meron portion na hindi man lang sabihin mong aaray yung bulsa niya.”

Girlfriend ni Carlos, itinuro ng kanyang ina na dahilan ng kanilang hidwaan

Labis namang ikinagulat ng marami nang ituro ni Angelica ang girlfriend ni Carlos na si Chloe na dahilan ng kanilang hidwaan.

Ani Angelica, “Ang naging mitsa lang naman ever since is ‘yung babae talaga.”

Nagsimula raw magkagulo ang lahat nang matulog si Chloe sa dorm ni Carlos noong kasagsagan ng 2020 Tokyo Olympics.

Kwento ni Angelica, dapat sana ay ang kapatid ni Carlos na si Eldrew at national player na si Miguel Besana ang kasama ni Carlos sa dorm nito pero hindi ito natuloy dahil naroon si Chloe.

Ibinunyag din ni Angelica na maging ang dating coach ni Carlos ay hindi nagustuhan ang presensya ni Chloe dahil hindi raw magandang tingnan ang maikling kasuotan nito kung saan kita na ang pwet nito.

Ani Angelica, “Patutulugin ko ‘yung anak ko, menor de edad, kasama siya at ‘yung babae? Pangalawa, si Miguel, hindi rin siya papayagan ng parent niya […] Siyempre, mahirap ‘yun. Puro lalake eh na anything na mapatingin or something. Actually, ‘yun din sabi ni coach Mune na baka mapatingin sa pwet dahil nakakalat, maging masama ‘yung bata. At alam ko, Christian talaga sila ‘yung papa ni Miguel kaya hindi niya iallow ‘yun.”

Girlfriend ni Carlos na si Chloe Anjeleigh San Jose may mensahe sa kanyang ina

Samantala, viral naman ang latest Facebook post ni Chloe kung saan nagbigay siya ng mensahe sa ina ni Carlos.

Aniya, “Mother dear, I’m gonna hold your hand when I say this. Pero wait ka lang, tapusin lang po namin ‘yung vault finals – paki-on na your comment section po ah, hindi ‘yung nag-dedelete ka pa + off com sec.”

“Japan pa din talaga. Lakas. But malakas din naman si Carlos Edriel Yulo. God is with him,” dagdag niya.

Sa ngayon ay wala pang pahayag si Carlos hinggil sa isyung kinakaharap ng kanyang ina at girlfriend.