Umani ng samu’t saring reaksyon ang mga rebelasyon na ibinunyag ng singer na si Jake Zyrus tungkol sa kanyang ina na si Raquel Pempengco.
Marami ang naawa at nagalit matapos lumabas ang mga detalye ng umano’y pananamantala sa kanya ni Raquel na isinulat niya sa kanyang libro na “I Am Jake.”
Kilalanin si Jake Zyrus
Bago siya nakilala bilang Jake Zyrus, sumikat siya sa buong mundo bilang si Charice Pempengco—isang batang may pambihirang talento sa pagkanta.
Bata pa lang ay mahilig na siyang sumali sa mga amateur singing contests at talent shows sa Pilipinas.
Ngunit nagbago ang kanyang buhay nang may mag-upload ng kanyang performance sa YouTube.
Dahil sa viral video na ito, napansin siya ng international producers at naimbitahan sa ‘The Ellen DeGeneres Show at The Oprah Winfrey Show‘.
Mula roon, tuloy-tuloy ang kanyang international career—naglabas siya ng album, nag-perform sa iba’t ibang bahagi ng mundo, at naging bahagi ng sikat na TV series na Glee.
Ngunit sa kabila ng kasikatan, hindi alam ng publiko ang hirap at sakit na kanyang pinagdaanan sa likod ng kamera.
Libro ni Jake, muling nag-viral
Noong 2018, kasunod ng kanyang transition bilang isang transman, inilabas ni Jake ang kanyang memoir na ‘I Am Jake’.
Sa libro, isinalaysay niya ang kanyang buhay mula pagkabata hanggang sa pagiging Jake Zyrus.
At ngayong 2025, muling naging usap-usapan ang mga isiniwalat ni Jake matapos ibahagi ng social media personality na si Xian Gaza ang ilang pahina mula sa kanyang libro.
Sa mga larawang ipinost ni Xian, mababasa ang detalyadong kwento ng pang-aabuso at panggigipit na naranasan umano ni Jake mula sa kanyang sariling pamilya.
Ginatasan si Charice
Isa sa mga pinakamalaking rebelasyon ni Jake ay ang umano’y panggagatas sa kanya ng kanyang ina.
Ayon sa kanya, lahat ng kanyang kinita mula sa concerts, endorsements, at private events, na umabot sa milyun-milyong dolyar, ay hawak ni Raquel.
Ngunit sa kabila ng laki ng kanyang kinikita, hindi umano niya ito napakinabangan.
Sa katunayan, kailangan pa raw niyang humingi ng permiso sa kanyang ina bago gamitin ang sariling sasakyan, at may mga pagkakataong hindi pa siya pinapayagan nito.
Sa isang bahagi ng kanyang libro, isinulat ni Jake: “I saw houses being built and cars being bought using my money, but I was always told they weren’t mine. If I needed to use one of our cars, I had to ask permission from my mother.
“Sometimes, she would refuse my request. It’s only now that I finally know what it’s like to have a house under my name and a car I can use anytime I wish.” dagdag ni Jake.